Sa kulungan ang bagsak ng isang padre de pamilya dahil sa pagbebenta online ng mga malalaswang video ng mga menor de edad na anak sa Zambales. Ang suspek, kinikikilan din ang mga binibentahan niya ng mga maseselang video.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagsalakay ng mga kawani ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) sa bahay ng lalaki sa bisa ng search warrant.
Sinabi ng NBI na bukod sa paglalako sa kaniyang mga anak online para sa live shows at online sexual exploitation, may modus din siya ng pangingikil.
"Mayroon siyang extortion activity na tinatawag after that... 'Oh, mayroon akong forwarded porn material, if you don't want me to report to your authorities..' so doble kita ito. Kumikita na siya doon sa porn material niya... using his own children, kumikita pa siya doon sa extortion," sabi ni NBI-NCR Regional Director Ferdinand Lavin.
Nailigtas ng mga awtoridad sa bahay ng suspek ang tatlo niyang menor de edad na anak, asawa, at kapatid ng kaniyang asawa na menor de edad din.
Nakuha rin ang cellphone ng suspek na mayroong malalaswang videos na kaniyang ipinadadala sa mga parokyano at mga transaksiyon.
"Na-inquest na ito... nagsampa kami ng kaso rito na Anti-Online Abuse and Exploitation of Children, qualified human trafficking... violations ng Anti-Trafficking in Persons Act qualified because of the use of minors... possession ng paraphernalia for dangerous drugs under the Comprehensive Dangerous Drugs Act... kasi may nakuha kaming marijuana," sabi ni Lavin.
Hindi na nagbigay ng kaniyang panig ang suspek, na nakabilanggo na sa detention facility ng NBI sa Bilibid. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News