Sa Balintawak market sa Quezon City na bagsakan ng mga gulay at prutas.

Bagsak presyo ang bentahan ng kamatis ngayon.

Nasa 15 pesos to 20 pesos kada kilo depende sa laki ang bentahan.

Malayong malayo raw sa bentahan noong Disyembre na pumapalo sa 250 pesos kada kilo ang kamatis.

Nagkasabay-sabay daw kasi ang ani.

Sabi ni Elsa Fernandez, Vegetable Seller sa Balintawak Market, “mga hinog na po siya. Nabili po naming hinog kaya binebenta na ng mura.  Sa Vizcaya, Bulacan, Pangasinan at Ilocos po magkakasabay po kasi kaya bumaba presyo.”

Pero kahit daw mababa ang presyo ngayon matumal ang mga bumibili.

Ani Fernandez, “medyo matumal kahit mura. Mas kumpara noong mataas mas mabili. Konti supply. parang mas hinahanap pa rin mas mababa pa.”

Sinamantala naman ng ilang mamimili ang mababang presyo ng kamatis ngayon.

Kwento ng isang mamimili sa GMA integrated News, noong mahal daw kasi ang bentahan hindi sila bumibili o nagluluto ng gumagamit ng kamatis.

Ngayon daw mababa ang bentahan dadamihan na raw niya ang bili para magamit sa ibang putahe.

Aniya “kinse pesos lang, mas mura ngayon kesa noon umabot ng 160 pesos. Ilan po bili niyo? Isang kilo magluto ako ng pinakabet.”

Umaasa raw ang mga nagtitinda ng gulay sa Balintawak market na makakabawi sila pagdating ng Semana Santa na kadalasan puro gulay ang binibili ng mga mamimili. — BAP, GMA Integrated News