Isang rider ang nasaktan matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang pampasaherong jeepney. Nang matumba, nasagasaan naman siya ng isa pang motorsiklo sa Quezon City.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa Congressional Avenue nitong Martes ng gabi.

Sa video footage, makikita na bumangga ang biktima sa likurang bahagi ng jeepney na dahilan para matumba ang motorsiklo at tumilapon ang rider sa gitna ng kalsada.

Sakto namang may dumating na isa pang motorsiklo at nagulungan ang nakahandusay na biktima.

Ang nakasagasang rider, sandaling tumigil pero umalis din umano, ayon sa nakasaksing si Jover Cajandig.

“Nakita ko po siya, nakatingin pa siya eh. Siguro balak din naman niyang tumulong. Napansin ko lang po, siguro yung nangingisay na yung taong na-aksidente, maya-maya lang dumiretsyo na siya,” pahayag nito.

Sumaklolo naman ang ibang tao sa lugar at sinabihan ang biktima na huwag munang gumalaw habang wala pa ang ambulansiya.

Kinuha naman ni Cajandig ang cellphone ng biktima at tinawagan ang huling kausap nito para ipaalam ang nangyari sa rider.

Ayon sa Quezon City Police District Traffic Sector 6, nagtungo na sa kanila ang kapatid ng biktima para kumuha ng police report.

Nasa maayos nang kalagayan ang biktima, at wala na umanong plano ang pamilya nito na magsampa ng reklamo laban kanino man. -- FRJ, GMA Integrated News