Inaresto ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy sa isang hotel sa Pasay City nitong Miyerkoles dahil sa pangha-harass umano sa mga Pilipino sa kaniyang mga livestream, ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Huwebes.

Sa isang pahayag, sinabi ng CIDG na dinakip ang naturang content creator at streamer matapos maglabas ang Bureau of Immigration (BI) ng Mission Order for Undesirability laban sa kaniya.

Sinabi ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III na inaabala umano ng vlogger ang mga Pilipino at nagpakita ng “disruptive behavior” sa kaniyang livestream sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.

Nag-viral online ang mga video ni Vitaly habang nakatanggap naman siya ng batikos dahil sa diumano'y pangha-harrass at pang-iinsulto sa mga Pilipino para sa content.

“His recent video filmed in BGC and viral online has sparked outrage due to his alleged disruptive and inappropriate behavior toward unsuspecting and friendly Filipinos,” sabi ng CIDG.

Sa isang hiwalay na pahayag ng BI, sinabi nitong isang BGC security guard ang naghain umano ng police blotter laban kay Vitaly sa Southern Police District para sa "harassment" na humantong sa pagpapalabas ng mission order.

Ayon sa ulat ng Unang Balita sa GMA Integrated News, dinala si Vitaly sa isang detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

“Vitaly has been transferred to the BI’s detention facility inside Camp Bagong Diwa in Bicutan, Taguig, while awaiting deportation proceedings,” sabi ng BI.

Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang pag-aresto kay Vitaly ay nagsisilbing paalala na bagama't tinatanggap ng Pilipinas ang mga dayuhang bisita, ang mga hindi gumagalang sa mga mamamayan at mga batas nito ay mahaharap sa mga kahihinatnan.

“The Philippines welcomes visitors from all over the world, but those who abuse our hospitality and violate our laws will be held accountable,” sabi ni Viado.

“Harassment and disruptive behavior have no place in our society, and we will take swift action against offenders,” dagdag niya. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News