Patay ang isang babae matapos siyang mabundol ng isang bus sa EDSA Bus Lane nitong Martes.
Sa ulat ni Allan Gatus sa Super radyo dzBB, sinabing nangyari ang insidente sa southbound lane, bago sumapit sa Monte de Piedad.
Nangongolekta umano ng mga plastic bottle ang biktima nang mahagip ng bus.
Ayon sa driver, hindi niya napansin at hindi niya inasahan na may tatawid na tao sa bus lane.
Sa lakas ng pagkakabangga, nabasag pa ang windshield ng bus kung saan tumama ang biktima.
Hindi na inabutan nang buhay ng ambulansiya ang biktima sa lugar.
Nasa kostudiya naman ng Quezon City Police District ang driver ng bus.—FRJ, GMA Integrated News
