Nagdesisyon ang House Tri Committee (TriComm) na nagsisiyasat sa pagkalat ng fake news sa internet na i-cite in contempt ang ilang vlogger o personalidad sa social media dahil sa pagtuloy nilang pag-isnab sa ginagawang pagdinig ng komite.
Sa pagdinig nitong Martes, hiniling ni Abang Lingkod party-list Rep. Stephen Paduano, na i-contempt sina Sass Sasot, Jeffrey Celiz, Lorraine Badoy, at Mark Lopez.
Inaprubahan naman ng mga miyembro ng joint committee ang naturang hiling ni Paduano.
Na-cite in contempt sina Sasot, Celiz, at Badoy dahil sa hindi nila pagsipot sa pagdinig kahit ilang beses na silang inimbitahan at walang ipinapadalang legal na dahilan kung bakit hindi sila sumisipot.
Samantala, na-cite in contempt naman si Lopez dahil umano sa post nito sa pagbatikos sa ginagawang pagdinig ng komite makaraan siyang utusan na humingi ng paumanhin sa mga mali umanong social media posts.
Iniutos na idetine si Lopez ng 10 araw sa pasilidad ng Kamara.
Hindi dumalo sa pagdinig si Lopez dahil nakaharap na umano siya sa nakaraang pagdinig.
Hinihintay pa ang komento ng mga nabanggit na personalidad tungkol sa kautusan ng komite.– mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News
