Dalawang pasahero ang nasawi, habang 16 na iba pa ang sugatan matapos bumaligtad ang isang pampasaherong jeep sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Linggo ng umaga. Dalawang sasakyan pa ang nadamay sa naturang sakuna.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, makikita sa video footage ang mabilis na takbo ng jeep na biglang tumagilid at bumaligtad. Nahagip din niya ang isang modern jeepney at isang kotse.

Ang dalawang pasahero ng jeepney, tumilapon sa daan at nahagip ng mismong jeep na sinasakyan nila.

Ayon sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, 16 pang pasahero ang nasugatan sa insidente.

Kuwento ng driver ng kotse na nadamay, mabilis ang takbo ng jeep na muntik na munang dumikit sa kaniya.

"Medyo dumikit sa akin binusinahan ko. Maya-maya umiwas siya. Nung umiwas, pagdating sa bandang unahan, namalayan ko pagewang-gewang na siya. Hanggang tumama sa akin, inabot ako," anang driver.

Nakaligtas naman ang driver ng jeep na nakadetine ngayon.

Hindi siya nagbigay ng pahayag pero sinabi umano nito sa pulisya na may iniwasan siya bago bumaliktad.

Nangyari ang sakuna sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue patungong Fairview, sa kabilang bahagi ng Commonwealth Market.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang driver ng jeepney. —FRJ, GMA Integrated News