Inihahanda ng kampo ng tagausig ang dalawang testigo, 16 na oras na audio video files, bukod pa sa 9,000 pahinang dokumento para sa kompirmasyon ng kasong crime against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Inihayag ito ni ICC Prosecutor Karim Khan sa binagong sagot sa utos ng Pre-Trial Chamber I na humihingi ng kaukulang impormasyon tungkol sa usapin ng isasagawang confirmation proceedings.
Sinabi ni Khan na ang mga ebidensyang ginamit para sa aplikasyon ng arrest warrant laban kay Duterte ay binubuo ng 421 ebidensiyang nakasulat na may kabuuang 8,565 pahina, siyam na litrato, at 30 audio-video file na may kabuuang haba na hindi bababa sa 15.55 na oras.
Habang patuloy umano din umano ang prosekusyon sa pagdetermina ng lahat ng written at non-written evidence na balak gamitin sa confirmation hearing. Ayon kay Khan, “at a minimum” ay isasama ang karamihan sa mga ebidensiyang ginamit sa pagkuha ng warrant laban kay Duterte.
Karamihan umano sa documentary evidence ay “predominantly in the original languages of either English, Tagalog, or Cebuano.”
Sa ngayon, sinabi ni Khan na nakapaglabas na ang prosekusyon ng 181 na dokumento na binubuo ng 2,787 na pahina noong Marso 21. Natukoy na rin ang humigit-kumulang sa 160 karagdagang items, kabilang ang 15 audio-video file na may kabuuang haba na 5 oras, 40 minuto, at 12 segundo, na maaari nang ilabas agad.
Balak umano ng prosekusyon na ihayag ang mga item na ito sa korte sa loob ng linggong magsisimula sa Abril 7, at binigyang-diin na ang mga ebidensyang ito ay mga dokumentong hindi kaugnay sa mga saksi na kanilang pagbabasehan sa confirmation hearing.
Sinabi rin Khan na plano ng prosekusyon na "to call a maximum of two witnesses to testify viva voce at the confirmation hearing.”
Humiling sila ng protective measures para sa mga saksi na haharap sa pagdinig. Kasabay nito ang paghiling sa Pre-Trial Chamber na itago ang pagkakakilanlan ng mga magiging saksi.
Bagaman mayroon na silang mga materyal na magagamit laban kay Duterte, sinabi ni Khan na patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng prosekusyon tungkol sa dating pangulo, at ihahayag ang mga bagong ebidensiya na makakalap “on a rolling basis.”
Tiniyak ni Khan na makokompleto nila ang pagsusuri at paghayag sa mga ebidensiya na hindi hihigit sa 30 araw bago ang takdang pagsisimula ng pagdinig sa September 23. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News