Inihayag ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkoles na sisimulan sa Visayas ang pagbebenta ng kagawaran ng bigas sa halagang P20 per kilo.

Mangyayari ito matapos ang closed-door meeting ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. sa 12 Visayas governors na ginanap sa Cebu Provincial Capitol.

Ayon kay Laurel, nais ni Marcos na maipatupad sa buong bansa ang programa na sisimulan muna sa Visayas.

''The President has actually given the directive, initially itong programa ng DA was supposed to last until December, puwede pa stretch 'yan until February. But our President has given the directive to the Department of Agriculture to formulate this to be sustainable and ituloy-tuloy hanggang 2028,'' sabi ni Laurel sa isang press conference.

Ayon kay Laurel, nakadisenyo ang programa na papayagan ang bibili ng P20 per kilo na bigas nang hanggang 10 kilo bawat linggo ang isang pamilya, o katumbas ng hanggang 40 kilo sa isang buwan.

Dating inihayag ni Marcos sa kaniyang kampanya nang tumakbong pangulo ang hangarin niyang maibaba sa P20 per kilo ang bigas.

Sinabi ni Laurel na mayroong naitatabing mga bigas ang DA na maaaring ibenta ng P20 per kilo.

''We have to also move out stocks from other areas kasi the other factor na kailangan din namin gawin ito sa DA is because talagang punong-punong pa rin ang warehouses ng DA ng bigas at palay,'' ayon kay Laurel. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News