Kasama na ring papayagan na makabili ng P20 per kilo na bigas ang mga minimum wage earner sa bansa. Para naman magtuloy-tuloy ang programa ng murang bigas, inihayag ni Speaker Martin Romualdez na inihahanda na nila ang mga ipapasang panukalang batas para rito.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang mga vulnerable sector gaya ng mga senior citizen, person with disability at mga benepisaryo ng 4Ps ang pinapayagan pa lamang sa ngayon na bumili ng P20/kg na bigas.
Pero ngayong Hunyo, sisimulan na rin ang pagbebenta nito sa mga minimum wage earner sa bansa na aabot sa 120,000 na manggagawa.
Ayon kay Department of Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, may listahan na umano ang Department of Labor and Employment ng mga kumpanyang lalahok sa programa. Sa kanila na ibabagsak ang mga bigas para sa kanila na bibili ang kanilang mga manggagawa.
"Rekta na sila sa company nila which is the better option. Kasi nga kung pipila pa sila sa Kadiwa paano malalaman ni Kadiwa kung sila ay minimum wage earner," paliwanag niya.
Upang maibenta ng P20/kg ang bigas, naglalaan ang national government at lokal na pamahalaan ng bilyong pisong pondo para saluhin ang paluging pagbebenta nito sa paraan ng subsidiya.
Ayon kay De Mesa, P5 bilyon ang inilaan na subsidiya para sa programa ngayong taon. Sa Susunod na taon, P18 bilyon ang hiniling na pondo para sa programa.
Ang tunay na halaga ng naturang bigas na mula sa National Food Administration (NFA) ay P33/kg. Para maibenta ito sa P20/kg, pinaghahatian ng LGUs at national government sa pamamagitan ng Food Terminal Incorporated (FTI) ang balanseng P13/kg o tig-P6.50/kg.
Ang mga bigas naman na ibinebenta sa mga Kadiwa Store na nabibili sa halagang P29 perkilo, may subsidiya din na P9 per kilo na sinasagot din FTI.
Sa ngayon, tiniyak ng DA na sapat ang suplay ng bigas. Gayunman, sinabi ni De Mesa na hindi pa maaaring maibenta ang P20/kg ang bigas para sa lahat dahil magkakaroon ito ng negatibong epekto sa industriya ng bigas.
Samantala, nakipagpulong naman nitong Miyerkoles si Speaker Martin Romualdez at ilang lider ng Kamara de Representantes kay Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., para talakayin ang mga panukalang batas na kailangang ipasa upang masuportahan ang programa sa murang bigas.
Ayon kay Romualdez, kabilang sa mga panukalang batas na kailangan nilang ipasa ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) upang ibalik ang ilang pangunahing regulatory powers sa NFA para maprotektahan ang produksyon ng bigas at ma-stabilize ang presyo.
Kasama rin ang pag-amyenda sa Republic Act 7308 o ang Seed Industry Development Act of 1992, at Local Government Code para mapalakas ang agricultural extension services ng mga lokal na pamahalaan.
“These are not just bills — they are blueprints for lasting change. I will personally sponsor these measures to institutionalize President Marcos’ vision of affordable rice for all and stronger support for our farmers,” ayon kay Romualdez.
“Legislation is the strongest tool we have to make this program permanent. Sisiguruhin natin na may ?20 per kilo na bigas sa merkado para sa mga nangangailangan. We will build a system where affordable rice is not a seasonal miracle, but a daily reality,” dagdag pa niya.
Ayon kay Romualdez, hindi mapapakain ng mga magsasaka ang bansa kung kulang sila sa suporta gaya ng magandang binhi, mga kagamitan, market access at iba pa.
“Together, we will deliver affordable rice, a stronger agriculture sector, and a future where no Filipino is left behind. Ang ?20 kada kilo ng bigas ay hindi lang pangarap. Sa tulong ng batas, determinasyon, at pagkakaisa, gagawin natin itong permanente at tuloy-tuloy,” pahayag ng lider ng Kamara.-- may dagdag na ulat si Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News