Nasawi ang tatlo katao habang 10 ang sugatan matapos magkarambola ang anim na sasakyan dahil sa umatras na trailer truck sa Barangay Fortune, Marikina City.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng Marikina Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na mag-10 p.m. nang maaksidente ang trailer truck na bumangga at dumagan sa iba pang sasakyan, kasama ang dalawang pampasaherong jeep, dalawang kotse at isang SUV.

"Base sa initial investigation po, ito pong 40-footer, paakyat po siya rito sa steep part po nitong kalsadang ito. Unfortunately, parang hindi po kinaya at umatras po siya hanggang sa nagsyete po 'yung kaniyang truck at 'yung mga kasunod po niyang sasakyan ang naatrasan at na-damage po niya," sabi ni Dave David, chief ng Marikina DRRMO.

Nagkayupi-yupi naman ang isa sa mga kotse dulot ng lakas ng impact ng pagkakabangga ng trailer truck. Dito na-retrieve ang dalawa sa biktimang nasawi.

Makalipas ang higit anim na oras matapos ang aksidente, na-retrieve ang ikatlong biktimang nasawi, na siyang driver ng jeep na nadaganan ng tumaob na trailer truck.

Pahirapan ang rescue at retrieval operations, dahil ipit na ipit ang jeepney driver na nakuha sa ilalim, ayon sa search and rescue unit ng Marikina Bureau of Fire Protection.

Ikinuwento naman ng ilang nakaligtas ang nangyaring aksidente.

"Nakita ko na nakahinto 'yung container van na 'yan. Nu'ng naramdaman namin na umatras, nag-atrasan na kami. Ang bilis eh, sunod-sunod na. Kasi pagbangga ng mga sasakyan sa harapan ko, tumalsik na sa akin 'yung bubog. Tapos umikot-ikot kami. Pumikit na ako, akala ko sabi ko 'Wala na, patay na,''' sabi ni Roger Cadigoy, nakaligtas sa aksidente.

"Malakas po. Pinilit ko na lang iliko 'yung manibela para lang makaiwas kami sa gitgitan ng sasakyan na tumama sa amin. Buti na lang nakaligtas kami lahat eh. Akala ko talaga patay na kami," sabi ni Ryan Moral, nakaligtas sa aksidente.

Hawak na ng Marikina City Police ang driver ng trailer truck, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple injury with multiple damage to property.

Nagsagawa ng paglilinis ang mga tauhan ng LGU para muli nang madaanan ang kalsada kung saan nangyari ang aksidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News