Inaalam na ng pulisya kung sniper ang tumira at nakapatay kay Rizal, Cagayan Mayor Joel Ruma, na binaril habang nangangampanya nitong Miyerkules ng gabi.
“Lumalabas po sa kanilang initial investigation isang tama lang po mula sa isang sniper rifle ang ginamit magmula po sa vantage point... Nasa vantage point po yung possible na sniper,” ayon kay Philippine National Police (PNP) public information office head Police Colonel Randulf Tuaño, sa idinaos na press briefing nitong Huwebes.
“Ang narinig na putok ay isa lamang galing sa labas. Kinokonsider po na ang suspek ay isang sniper sapagkat may nakuha rin isang basyo ng caliber 5.86," dagdag niya.
Sinabi rin ni Tuaño na inaalam ng mga awtoridad kung mga security police ng alkalde ang nakatama at nakasugat sa tatlo pang biktima.
Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang apat na pulis para kunan ng pahayag at isailalim sa forensic examination.
Batay sa police report, dakong 9:30 pm nang barilin si Ruma na nagtamo ng entrance gunshot wound sa kanang balikat at tumagos sa dibdib.
Dead on arrival sa Tuao District Hospital ang alkalde na muling tumatakbo sa naturang posisyon para sa darating na eleksyon.
Nagsagawa naman ng hot pursuit operations at high-risk checkpoints ang mga pulis para maaresto ang salarin.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News