Inihayag ng Philippine National Police (PNP) ngayong Huwebes na walang kinalaman si Alvin Que sa pagpatay sa kaniyang ama na si Anson Que, at sa driver nitong si Armanie Pabillo.

Nadawit si Alvin sa pagdukot at pagpatay kay Anson at Pabillo, base sa testinomya ng isa mga naarestong suspek na si David Tan Liao.

Pero sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, noon pa sanang Lunes nais nang linisin ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ang pangalan ni Alvin at alisin bilang respondent sa reklamo.

“Nito pong nakaraang Lunes, unang araw, unang criminal investigation, 'yung mga lawyers po ng AKG already manifested our intention to amend the complaint po,” saad ni Fajardo sa press conference.

“Orally, sinabi po nila 'yan because there are no corroborating evidence that will link Alvin Que sa kidnapping at eventual pagpatay sa tatay po nila,” dagdag niya.

Pero inatasan umano ng Department of Justice (DOJ) ang mga abogado mula sa AKG na isulat ang kanilang kahilingan na alisin si Alvin bilang respondent.

Binigyan umano ang AKG ng tatlong araw para gawin ang pag-amyenda sa reklamo, at isusumite ang kahilingan bukas, Biyernes.

Nilinaw din ni Fajardo na hindi naman kaagad naniwala ang pulisya sa mga salaysay ni Liao na nagdawit kay Alvin sa krimen dahil walang naipakitang katibayan ang suspek sa kaniyang mga alegasyon.

Hindi rin umano inilabas ng PNP ang kopya ng affidavit ni Liao.

Matatandaan na iniulat nitong Martes, na nadawit si Alvin, 42-anyos, sa pagdukot at pagpatay sa kaniyang ama at driver nito batay sa salaysay ng nadakip na suspek.

Kabilang ang pangalan ni Alvin sa anim na taong hiniling ng AKF na isalang ng DOJ sa preliminary investigation ng DOJ noong April 19.

Pinalagan ng Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) nitong Miyerkules ang naturang pagsama kay Alvin bilang suspek sa krimen.

“Why is the word of a notorious criminal the sole source of your evidence? Why did Alvin Que become a person of interest only on the word from Liao, a known kidnapper and gun for hire responsible for the deaths of more than a dozen kidnap victims?” ayon sa pahayag ng MRPO.

“Where is the investigation that corroborates Liao's claim? Are there other people who affirm this single statement? Where is the physical and/or digital evidence that supports the claim that the son is involved?” dagdag nito.

Ipinaliwanag ni Fajardo na hindi maaaring basta na lamang balewalain ang impormasyon mula kay Laio kaya nagsagawa muna sila ng imbestigasyon.

Hindi rin umano inaalis ng pulisya ang hinala na nililito ni Laio ang imbestigasyon upang protektahan ang ibang tao o ang kaniyang sarili bilang utak sa krimen.

Lima ang tinukoy ng PNP na suspek sa krimen,na sina David Tan Liao, Richardo Austria, Reymart Catequista, Jonin Lin at Kelly Tan Lim, na kilala rin bilang Wenli Gong, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling.

Sa lima, hindi pa nadadakip sina Lin at Kelly.

May P5 milyong pabuya na inialok sa sino mang may impormasyon para madakip si Kelly, na sinasabing naghikayat sa biktima na si Que na magpunta sa isang apartment sa Bulacan kung saan sila binihag ng kaniyang driver.

Abril 9 nang makitang patay sina Que at kaniyang driver sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal kahit nagbayad na ng ransom.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News