Labis ang pagdadalamhati ng isang padre de pamilya dahil sa pagkawala ng kaniyang asawa at dalawang anak matapos ang karambola ng mga sasakyan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) nitong Huwebes.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing bukod-tanging natira ang padre de pamilyang si Ricky Duran matapos ang insidente.
Patungo sana sa Pangasinan ang kaniyang asawa at dalawang batang anak para sa children's ministry convention ng kanilang simbahan nang pumanaw sila matapos mabangga ng isang bus ng Solid North.
Susunod sana si Duran sa Pangasinan ngunit pinigilan ng kaniyang asawang si Carmeline. Hapon ng Huwebes nang makatanggap siya ng tawag mula sa Tarlac Police.
“Noong tiningnan po namin sa critical area, iyon na nga po, doon ko na nakita ‘yung asawa’t mga anak ko. Kaawa-awa po ‘yung mga hitsura nila. Hindi ko po lubos maisip na magkaka-ganu’n. Wala na po sila sa isang iglap lang,” sabi ni Duran.
“Ang asawa ko, maasikaso, malambing, talagang sobra silang mapagmahal. Pati ‘yung mga anak ko. Napakaiksing panahon ng pinagsamahan namin,” emosyonal na sabi ni Duran, na nanawagan sa gobyerno ng tulong at hustisya.
Naulila rin sa asawa at bunsong anak ang padre de pamilyang si Elmer Añonuevo.
Inalala niya ang paglalambing ng kaniyang siyam na taong gulang na anak na babae.
“Pinakamamahal kong anak at asawa, wala na. Kumbaga, sayang 'yung mga pangarap namin para sa aming mga anak na tatlo, lalo na itong bunso ko. Sobrang talino niyan,” sabi ni Añonuevo.
“Every time na aalis ako sa bahay, ‘Papa, mag-iingat ka. I love you. Kiss ako,’” dagdag ni Añonuevo.
Ang senior citizens naman na sina Nelly at Reynaldo Murillo, naulila sa dalawang anak at kaisa-isang apo.
Nakapagpadala pa ng litrato ang mga anak nilang sina Dr. Marileth Joy Tuazon at Maristela Rosas, at apo na si Jeremiah Miguel habang bumibiyahe bago naganap ang sakuna.
“Umaasa kami na magkikita kaming muli pagdating ng Panginoon kasi iyon ang pangako ng Panginoon. Mami-miss namin sila,” sabi ni Nelita Murillo, kaanak ng mga biktima.
“Nanghihinayang kami na nawala na sa aming lahat. Kinukunan namin ng kalakasan ang Panginoon tsaka kayo mga kapatid, mga kapitbahay,” sabi ni Reynaldo Murillo, kaanak ng mga biktima.
Nakausap naman ng mga naulilang kaanak ang kinatawan ng Solid North, na nagbigay ng tulong para sa funeral services.
Ang gobyerno ng Tarlac at DSWD ang tumulong sa pagbabayad sa ospital at iba pang funeral expenses.
Sinuspinde na ng LTFRB sa loob ng 30 araw ang operasyon ng Pangasinan Solid North Transit Inc.
“Kahapon po ay inilabas ‘yun so kapag na-receive na po nila ‘yun, effective upon receipt po,” sabi ni Atty. Ariel Inton, spokesperson ng LTFRB.
"In compliance with the directive of DOTr, Pangasinan Solid North Transit, Inc. (PSNTI) has stopped its whole operations. For its patrons, unless otherwise provided, all trips of PSNTI are temporarily suspended,” sabi ng Pangasinan Solid North Transit sa kanilang pahayag.
"Effectively, all affected advance bookings may request for their respective cancellations. We are one with the nation in sympathizing with those affected by this unfortunate event," dagdag ng kumpanya.
"However, some uncontrollable factors get even the best of us that lead to this isolated case. We understand the gravity of the situation, and we will be responsible and accountable for it," ayon pa sa Pangasinan Solid North Transit.
Kasalukuyang nakaburol ang walo sa mga biktima sa Seventh-day Adventist Church sa Antipolo City. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
