Nakaburol na sa Bulacan ang isa pang biktima na nasawi sa pagbangga ng isang SUV sa mga tao sa Ninoy International Airport (NAIA). Ang kaniyang alagang aso na katabi niya sa pagtulog, tila ayaw umanong umalis sa tabi ng ataul nito.Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Dearick Faustino, 29-anyos, na nasawi nang araruhin ng isang sports utility vehicle (SUV) ang mga tao sa departure area sa NAIA Terminal 1 nitong Linggo.Papunta noon si Faustino sa Dubai para sa isang business trip nang mangyari ang trahediya.Kasamang nasawi ni Faustino sa insidente ang apat na taong-gulang na babae na anak ng isang overseas Filipino worker na kasama ng kaniyang ina na inihatid ang kanilang ama.Ayon kay Oida, nakaburol si Faustino sa Barangay Abulalas sa Hagonoy, Bulacan.Tumanggi na muna ang pamilya ni Faustino na humarap sa media pero pumayag silang makuhanan ng video ang burol nito.Makikita sa naturang burol ang alagang aso ni Faustino na si "Blue," habang nakaupo sa upuan na malapit sa ataul ng kaniyang namayapang fur parent.Lagi umanong katabi ni Faustino si Blue, at magkatabi rin ang dalawa maging sa pagtulog.-- FRJ, GM Integrated News