Patay ang dalawang lalaking mag-ama at magka-angkas sa motorsiklo matapos sumalpok sa isang trailer truck sa bahagi ng Delpan Bridge sa Maynila.
Sa inisyal na impormasyon galing sa mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit ng Manila Police District, naganap ang aksidente pasado alas dose bente ng hatinggabi nitong Martes.
Ayon sa pahinante ng truck, nakapila sila papasok ng port nang biglang may kumalabog sa kanilang likuran.
Sa lakas ng impact, na-uga aniya ang kanilang truck at pagbaba nila, dito na nila nakita ang mga biktima na nakahandusay.
Base sa kanilang mga ID, mga residente ng Baseco Compound ang dalawang biktima at isa sa kanila ay empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority.
Pagkarating ng mga kaanak, dito na nalaman na mag-ama pala ang dalawa na parehong nakainom at nagkayayaan na lumabas.
Pasado alas tres ng madaling araw nang dumating ang mga taga-punerarya na kumuha sa bangkay ng mga biktima.
Dinala naman sa ospital ang driver ng truck para sumailalim sa medical treatment. —KG, GMA Integrated News

