Timbog ang isang lalaki matapos ang paulit-ulit niyang pang-aabuso umano sa isang menor de edad sa Teresa, Rizal. Sa Pililla naman, huli rin ang isang lalaki dahil sa pangmomolestiya umano sa kaniyang 14-anyos na kapitbahay.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nahaharap ang 27-anyos na lalaki sa kasong child abuse matapos niyang paulit-ulit na abusuhin umano ang isang menor de edad noong Abril 2019.
"Itong akusado ay 21 years old noong nangyari ang insidente ng pang-aabuso sa isang 13 anyos na dalagita. Apat na beses na nangyari. 'Yung una is nag-inuman, pinagamit pa siya ng marijuana nitong akusado, itong biktima," sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Provincial Police Office.
Depensa ng lalaking akusado, may relasyon umano sila ng menor de edad na biktima.
Ayon sa akusado, tutol ang mga magulang ng babae sa kanilang relasyon kaya nagsampa ng reklamo laban sa kaniya.
"Nagka-relasyon kami siguro po mga dalawa hanggang tatlong buwan. Parehas naman po namin may gusto. Hindi ko naman po tinakot. Hindi ko naman po sinaktan," sabi ng akusado, na itinanggi ang tungkol sa marijuana.
Nakabilanggo sa custodial facility ng Teresa Municipal Police Station ang akusado, na nahaharap sa kasong paglabag sa anti-child abuse law.
Dinakip naman ang 22-anyos na lalaki sa Barangay Quisao sa Pililla nitong Martes sa bisa ng arrest warrant.
Kabilang siya sa most wanted persons list ng lalawigan, matapos molestiyahin umano ang biktima sa mismong bahay nito Mayo ng nakaraang taon.
"Itong akusado ay sapilitan niyang pinasok 'yung kuwarto ng ating biktima. Natakot at nagsumbong agad itong biktima sa kaniyang nanay. That led to the filing of acts of lasciviousness case against the accused," sabi ni Maraggun.
Inilabas ng korte ang arrest warrant laban sa akusado Enero ngayong taon.
Hindi siya nagbigay ng pahayag, at nakakulong ngayon sa Pililla Municipal Police Station. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
