Arestado ang isang lalaking nanghablot ng hikaw ng babaeng naglalakad matapos siyang bumangga sa isang truck habang tumatakas sa Barangay Balingasa, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang paglalakad sa kalsada ng lalaking nakasuot ng brown t-shirt, pati na rin ng isang babaeng may hawak na payong.
Sa isa pang kuha ng CCTV, tumigil ang lalaki malapit sa kanto at pinauna ang babaeng nakapayong.
Pagkaliko ng babae, doon na hinablot ng lalaki ang kaniyang hikaw.
Hinabol ng babae ang patakas na suspek na sumalpok naman sa umaandar na truck.
“‘Yung biktima habang naglalakad papunta sa kaniyang trabaho at pasakay ng jeep, minanmanan na siya ng suspek at doon na naganap 'yung krimen,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, commander ng La Loma Police Station.
Sugatan ang 34-anyos na suspek, habang nagtamo ng sugat sa tenga ang 28-anyos na biktima.
“Pinuntahan na siya ng mga concerned citizen. Tiyempo naman 'yung mobile ng La Loma ay nagpapatrolya at doon na siya naaresto,” sabi ni Aguirre.
Nabawi mula sa suspek ang hinablot na hikaw na nagkakalaga ng mahigit P22,000.
Lumabas sa imbestigasyon na ito na ang ikawalong pagkakataon na nahuli ang suspek.
Pagnanakaw ang karamihan sa kaniyang kaso at mayroon ding may kinalaman sa droga at ilegal na pagsusugal.
“Ngayon po 'yung mga kaso niya ay on trial at 'yung iba naman nakapag-bail siya at iba naman 'yung hindi na naituloy ng mga biktima,” sabi ni Aguirre.
“Pinagsisisihan ko po eh. No comment po ako,” sabi ng suspek na mahaharap sa reklamong robbery. —Jamil Santos/AOL GMA News
