Ibinasura ng Committee on Kontra Bigay ng Commission on Elections (Comelec) ang alegasyon na namili ng boto si senatorial candidate at Las Piñas Representative Camille Villar.
Sa sulat ni Teofisto Elnas Jr., vice-chairperson ng komite na may petsang May 7, inihayag nito na kontento sila sa paliwanag ni Villar tungkol sa isang pagtitipon na kaniyang dinaluhan na naging ugat ng alegasyon ng vote buying laban sa kaniya.
“Upon evaluation of the evidence gathered, the undersigned deems the same insufficient to proceed to the filing of a complaint for election offense and/or a petition for disqualification,” anang opisyal.
Sa isang pahayag, ikinalugod naman ni Villar ang naging desisyon ng komite.
“I thank the Comelec for the timely issuance of this resolution, junking the complaint of vote-buying,” saad ng kongresista.
“I assure everyone that I am running on a clean platform, pursuing only my advocacies that aim to make lives better for the Filipinos,'' dagdag ni Villar.
Una rito, naglabas ang komite ng show cause order laban kay Villar upang sagutin ang alegasyon na sangkot siya sa vote-buying sa isang pagtitipon, base sa isang anonymous complaint.
Sa video post sa Facebook noong Pebrero 16, dumalo si Villar sa isang pagtitipon na may mga kasamang lokal na opisyal at mayroon umanong pa-raffle ng cash prizes para sa mga taong dumalo.
Paliwanag ni Villar, ang naturang pagtitipon ay ginanap noong February 9, “which was way before the campaign period,'' na nagsimula naman noong February 11.
Idinagdag din ni Villar na bisita lang siya sa naturang pagtitipon.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

