Patay ang isang 23-anyos na Mexicanang social media influencer na kilala sa paggawa ng mga beauty at makeup videos nang barilin siya habang naka-livestream sa TikTok.
Sa ulat ng Reuters, kinilala ang biktima na si Valeria Marquez. Ayon sa pahayag ng prosekusyon sa estado ng Jalisco, iniimbestigahan ang kaso sa ilalim ng mga protocol para sa femicide—o ang pagpatay sa mga babae dahil sa kanilang kasarian.
Ayon sa mga awtoridad ng Mexico, ang femicide ay karaniwang may kaugnayan sa matinding karahasan, sekswal na pag-abuso, relasyon sa salarin, o ang paglalantad sa katawan ng biktima sa pampublikong lugar.
Binaril si Marquez nitong Martes habang nasa loob ng salon na kaniyang pinagtatrabahuhan sa lungsod ng Zapopan. Isang lalaki ang pumasok at agad siyang binaril.
Wala pang tinutukoy na suspek sa ngayon ang pulisya.
Ilang sandali bago ang pamamaril, makikitang naka-livestream si Marquez sa TikTok, nakaupo sa mesa at hawak ang isang stuffed toy.
Narinig siyang nagsabi ng, “They're coming,” bago may boses na narinig sa background na nagtanong: “Hey, Vale?”
Tumugon ang biktima ng "Yes," bago niya pinatay ang sound sa livestream.
Ilang saglit pagkatapos noon, binaril siya. Isang tao ang lumapit at kinuha ang kanyang cellphone—bahagyang nakita ang mukha nito sa livestream bago ito tuluyang naputol.
Sa naturang livestream, sinabi ng biktima na may dumating sa salon para mag-iwan ng isang “mahal na regalo” habang wala siya roon. Saad niya, hindi niya balak hintayin ang pagbalik ng taong iyon.
May halos 200,000 followers sa Instagram at TikTok si Marquez. -- mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News

