Tricycle driver at ka kosa umano nito, balik-kulungan matapos magnakaw ng motorsiklo sa Sta. Cruz, Maynila.Sa unang tingin, aakalain mong nagkasabay lang sa kalsada ang scooter at tricycle sa bahagi ng M. Natividad Street sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkules ng madaling araw.Pero, ang dalawang driver pala magkasabwat umano sa pagnanakaw ng scooter na minamaneho ng isa sa kanila.Ayon sa kagawad ng barangay, isang lalaki ang lumapit sa kanila nitong Miyerkules ng hapon para magpa review ng CCTV.Ipinarada niya kasi ito sa bahagi ng Felix Huertas at nang gagamitin na niya noong hapon, wala na ang kanyang scooter.“From Bulacan (street) kumaliwa rito sa may Oroquieta, dumiretso ng palengke tsaka sila bumalik sila rito sa Cavite street papuntang Rizal Avenue,” ani Kagawad Eric Panganiban.Ayon sa pulisya, lulan ng isang tricycle ang dalawang suspek na nagpaikot-ikot sa bahagi ng Blumentritt.Hanggang sa natiyempuhan nila ang motor ng biktima na may nakakabit pang susi.“Nag backtracking po yung mga nagresponde natin kapulisan ng Blummentrit PCP, sila po yung nagresponde tapos immediately nag conduct sila ng backtracking... dun nga nila nakita yung tricycle na na involved,” ani Police Major Reynante Martelino, MPD 3 deputy station commander.Agad na itinuro ng tricycle driver and ka-relyebo niya na nooy may dalang tricycle.Nahuli ang suspek na siya namang nagturo sa isa pang suspek na nagtangay mismo ng scooter.Nabawi sa kanya ang scooter na ibebenta raw sana sa halagang P25,000.Pero, itinanggi ito ng suspek.“Concern lang ako sa may ari kasi kaibigan ko, nanakawan din ng motor. tinabi ko lang po yung susi non, di ko po ibebenta,” ayon sa suspek.Sabi naman ng tricycle driver na umanoy kasabwat niya, nilapitan lang siya ng suspek sa pilahan at inalok na magbenta ng scooter kaya siya sumama dito.“Nadamay lang din po ko talaga diyan sir eh, naghahanap buhay po talaga ko non,” ayon sa ikalawang suspek.Napag alaman naman ng pulisya na dating magkakosa sa kulungan ang mga suspek na noo'y nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.Sangkot din daw sa ilang insidente ng carnapping ang pamilya ng isa sa mga suspek.Nahaharap ang dalawang suspek sa reklamong paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-carnapping Act of 2016. — BAP, GMA Integrated News