Inilahad ni Senator Erwin Tulfo nitong Biyernes na naghahanda siyang magsampa ng kasong libel laban sa mga dati umanong miyembro ng Marines matapos siyang akusahan nito at iba pang mambabatas ng pagtanggap ng mga maleta na naglalaman ng pera.
"Libel po ang definitely ikakaso natin, sagutin po nila ‘yan kasi...madali na lang kasi ngayon...na magturo nang magturo, kahit ito puwedeng ituro eh," ayon kay Tulfo sa panayam sa Balitanghali.
"Ang problema diyan, is it backed up by evidence? Sa ebidensya lang po tayo...Kaya nga po siguro ‘pag nag-settle na po ang lahat ng ito, kailangan po siguro palakasin itong mga penalty po sa mga ganitong mga kaso, mga problema kasi parang wala pong pangil eh kaya kahit sino-sino na lang damuhong puwedeng magsalita po diyan," dagdag niya.
Sa naunang panayam sa Unang Balita, sinabi ni Tulfo na may politikal na motibo ang mga paratang.
Dagdag pa niya, hindi siya nasaktan sa mga paratang at sa halip, natawa pa siya sa mga ito.
“Nakakatuwa po, pinapanood ko po sila kahapon. Ako po ay natutuwa, hindi po ako naiinis. Kapag may mga kinukwento, lalo mga marites, mga gawa-gawang istorya, matatawa ka na lang,” sabi niya.
“Pero siyempre 'di naman tayo papayag na ganu’n-ganu’n na lamang. Tayo ay naghahanda na ngayon para sampahan ng kaso ‘yung nag-akusa sa atin,” dagdag pa ng senador.
Sinabi ni Tulfo na gusto niyang magpresenta ng ebidensya ang mga nag-aakusa sa kaniya sa tamang forum at hinamon silang dalhin ang kanilang mga paratang sa Ombudsman.
Noong Miyerkoles, nahalal si Senator Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at idineklara kalaunan bilang acting Senate President. Gayunpaman, tumindig si Senator Alan Peter Cayetano na siya pa rin ang Senate President.
Nagsagawa si Senator Pia Cayetano, na siyang chairperson ng Blue Ribbon sa ilalim ng liderato ng kaniyang kapatid, ng pagdinig nitong Huwebes kasama ang mga resource person na nagpakilalang dating Marines.
Pinabulaanan ni Tulfo ang pagiging lehitimo ng paglilitis at inilarawan ito bilang isang "sham hearing."
Ayon sa kaniya, isa lamang pagpupulong, forum, o press conference ang kaganapan noong Hunyo 4 sa mataas na kapulungan at hindi isang opisyal na pagdinig ng Senate Blue Ribbon.
Ipinunto niyang hindi naitala sa journal ng Senado, walang opisyal na kawani ng Blue Ribbon Committee ang naroon, at hindi dokumentado sa pamamagitan ng mga regular na proseso ng komite ang pagtitipon.
Itinakda ni Tulfo, na siyang chairperson ng Blue Ribbon sa ilalim ng liderato ni Gatchalian, ang pagdinig sa Hunyo 8, kung saan iniimbitahan din niya ang mga nagpakilalang dating Marines.
Aniya, hindi papayagan ng komite ang mga surprise witness at isasailalim ang lahat ng mga tetestigo sa isang proseso ng pagsusuri alinsunod sa mga patakaran ng komite.
Nang tanungin tungkol sa posibleng motibo sa likod ng mga paratang, ipinunto ni Tulfo ang politika.
Sinabi ni Tulfo na unang pinangalanan sina Senador Loren Legarda at Mark Villar, na bahagi ng bloc ni Alan Peter Cayetano, sa mga naunang paratang ngunit hindi na nabanggit sa kaganapan noong Hunyo 4.
Sinabi niyang tinatarget siya at iba pang mga senador dahil itinuturing sila bilang mga banta sa politika ng isang partikular na grupo.
“Tungkol po sa survey. Ito na po 'yon. Tinitingnan po nila na tayo ay tatakbo bilang bise o presidente kaming magkapatid kaya katakot-takot po na banat. Isang grupo lang naman po 'yan, 'yung grupo lang po nila tumitira,” sabi niya. —Jamil Santos/AOL GMA News

