Nilinaw ni Cassy Legaspi ang kaugnayan niya sa dayuhang lalaki na nakita ng netizens na kasama niya sa Siargao kamakailan.

Mabilis na kumalat sa social media ang mga video at larawan ni Cassy na kasama niya ang dayuhan, at ilang netizen ang napaisip kung may relasyon ang dalawa.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Cassy na kaibigan lang niya ang dayuhan.

Kuwento ng aktres, kasama niya ang kaniyang mga kaibigan nang magpunta siya sa Siargao, at unang pagkakataon niyang makarating sa lugar.

Kabilang sa mga lugar na kaniyang pinuntahan ang Malinao Bridge, na marami ang nag-i-skateboarding, kabilang ang mga dayuhang turista.

"I’m willing to hit all the tourist spots sa Siargao because, again, I love Siargao. Sabi ko, 'ano gagawin natin dito?' 'Skateboard tayo,' 'okay, ikaw muna,' so my friend skateboarded first. Ako, sabi ko, 'sige upo muna ako' and my friend, my friend sat beside me and I didn't know na-picturan and na-videohan kami," natatawang kuwento ni Cassy.

"And then eventually it was blown out of proportion na jowa ko siya or something, and honestly we just laughed about it kasi he's just my friend," dagdag niya.

Kinumpirma rin ni Cassy sa ulat na single siya ngayon.

Nakatakdang mapanood ang aktres sa upcoming series na “Whispers from Heaven,” kasama si Sean Lucas.

Pagbibidahan ito ni Bea Alonzo, at tampok din sina Tom Rodriguez, Maricar Reyes, Eunice Lagusad, Vanessa Peña, at marami pang iba.

Ayon kay Cassy, bagama’t puno ng drama ang kuwento ng “Whispers from Heaven,” masaya at magaan naman daw ang samahan nila sa set.

"Okay, 'yung conflict and 'yung drama, sa story lang po 'yun ha pero sa set complete opposite. Parang every time magka-cut siya, okay, back to being light tawanan, ganoon," pagbahagi niya.

Samantala, ibinahagi naman ni Sean na kakaiba ang kanyang papel sa serye kumpara sa mga dati niyang ginagawa.

"Very different po sa usual na I do hosting. 'Yung past roles ko is very comedic talaga, siguro ito it's more serious," saad niya.

Bukod sa "Whispers from Heaven," magiging host din si Sean sa game show na "The People Have Spoken" at kasama niya rito si Heart Evangelista. —FRJ GMA News