Ipinamalas ng isang may-ari ng botika ang kaniyang pagiging “good samaritan,” matapos niyang tulungan at dalhin sa ospital ang isang customer na bibili lang sana ng gamot ngunit biglang sumakit ang sikmura.

Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa CCTV footage mula sa botika ni Jim Soriano sa Imus, Cavite, nang pumasok ang isang lalaking kostumer.

Masakit umano at tila hindi na kumportable ang lalaki, na naghahanap noon ng gamot sa pananakit ng sikmura. Agad naman siyang inasikaso ng staff na nasa counter.

Ngunit ilang saglit pa, napaupo at namilipit na sa sobrang sakit ang lalaking customer.

Tumawag na ng tulong ang staff kay Soriano, na dumating naman sa botika. Kinumusta niya ang lalaking customer at tinanong kung unang beses na sumakit ang sikmura nito.

Dahil ramdam na ni Soriano ang paghihirap ng lalaki, nagpasiya siyang isakay na ito sa sarili niyang sasakyan at dinala sa ospital.

Ayon sa kaniya, inasikaso naman agad ang lalaki pagdating sa pagamutan.

Kinagabihan noong araw ding iyon, bumalik ang lalaking customer na tinulungan ni Soriano, kasama ang asawa nito at anak.

Dalawang importanteng bagay umano ang kanilang kailangan sa botika: bilhin ang mga niresetang gamot ng doktor, at personal na magpasalamat kina Soriano at sa kaniyang mga staff sa mabilis nilang pagtulong.

Sa laki ng pasasalamat ng mag-anak, isa-isa nilang kinamayan ang mga staff at si Soriano.

Sinabi ng lalaking customer na matinding acid reflux ang findings ng doktor sa kaniya.

Sa ngayon, nasa maayos nang kondisyon ang lalaki at patuloy ang pag-inom ng gamot. – FRJ GMA News