Nasawi ang pitong tao na sakay ng isang tricycle nang mabangga sila ng isang sport utility vehicle (SUV) na lumihis ang takbo sa San Juan, Batangas. Ang tanging nakaligtas sa mga biktima, isang bata na dalawang-taong-gulang.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nahuli-cam ang malagim na trahedya mula sa camera ng coaster bus na nakasunod sa SUV, at binabagtas nila ang national highway sa bahagi ng Barangay Abung.
Sa video footage, mapapansin na lumihis pakaliwa ang takbo ng SUV hanggang sa mapunta sa kabilang linya ng highway at doon na nabangga ang paparating na tricycle.
Ayon kay San Juan PNP chief Police Lieutenant Colonel Crispin Banes, sa lakas ng salpukan ng dalawang sasakyan, tumilapon ang ibang nakasakay sa tricycle at nagulungan ng kasunod na coaster bus.
Dinala sa ospital ang mga biktima, at lima sa kanila ang idineklarang dead on arrival. Sunod namang pumanaw ang dalawa pang biktima dahil sa matinding pinsalang tinamo.
Isang batang dalawang-taong-gulang ang tanging nakaligtas mula sa mga sakay ng tricycle. Patuloy siyang nagpapagaling sa ospital.
Nasa kustodiya ng pulisya ang babaeng driver ng SUV na mahaharap sa patong-patong na reklamo, gayundin ang driver ng coaster bus.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang mga sangkot sa insidente.—FRJ GMA News
