Muling hihimas ng rehas ang dalawang dating magkakosa matapos silang mahuli-cam na may tangay na scooter sa Santa Cruz, Maynila. Depensa ng isa sa kanila, itinabi lamang niya ang susi ng scooter at wala siyang intensyong nakawin ito.

Sa ulat ni Jhomar Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV na tila nagkasabay lang sa kalsada ang isang scooter at isang tricycle sa bahagi ng M. Natividad Street Miyerkoles ng madaling araw.

Gayunman, magkasabwat pala ang dalawang driver sa pagnanakaw ng scooter.

Sinabi ng kagawad ng barangay na may lumapit sa kanilang isang lalaki nitong Miyerkoles ng hapon para magpa-review ng CCTV matapos nawala ang kaniyang scooter na ipinarada sa bahagi ng Felix Huertas.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagpaikot-ikot ang dalawang suspek sakay ng isang tricycle sa bahagi ng Blumentritt. Kalaunan, may natiyempuhan silang isang motorsiklo na may nakakabit pang susi.

Timbog ang dalawang suspek at nabawi ang scooter na ibebenta sana sa halagang P25,000, bagay na itinanggi ng isa sa kanila.

“Concerned lang ako sa may-ari, kasi kaibigan ko, nanakawan din ang motor. Ngayon, itinabi ko lang po ‘yung susi nu’n. Hindi ko po ibebenta,” sabi ng isa sa mga suspek.

Ayon naman sa tricycle driver na kasabwat niya umano, nilapitan lang siya ng suspek sa pilahan at inalok na magbenta ng scooter kaya siya sumama.

“Nadamay lang din po talaga ako riyan. Naghahanap-buhay po talaga ako,” sabi ng isa pa sa mga suspek.

Napag-alaman ng pulisya na dating magkakosa ang mga suspek na nabilanggo na rin noon dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Nahaharap sila sa reklamong paglabag sa RA 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News