Isang lalaki at isang babaeng estudyante ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa isang kalsada sa Tondo, Maynila. Ang suspek, binalikan umano ang lalaking biktima na nauna niyang nakaaway sa kalsada.Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa CCTV camera ng Barangay 104 ang suspek na biglang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima nang makita niya sa kalsada.Napatakbo ang biktima at ang mga tao sa lugar, kasama na isang babaeng estudyante na nakaupo noon sa gilid ng daan.Nahuli-cam ang suspek na naglakad palayo matapos ang pamamaril kasama ang isang babae na kaniyang asawa.Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na hindi magkakilala ang suspek at biktima pero nagkaroon sila ng pagtatalo sa kalsada bago ang pamamaril.Ayon sa suspek na naaresto kinalaunan, pinagbantaan umano siya ng biktima nang magkasagutan sila.Nasa ospital pa ang biktima na tinamaan sa tiyan, habang tinamaan naman sa hita ang nadamay na estudyante.Mahaharap sa kasong frustrated murder at physical injury ang salarin.-- FRJ, GMA Integrated News