Dalawa pang dayuhan na suspek sa pagdukot at pagpatay sa Chinese businessman na si Anson Que, at driver niyang si Armanie Pabillo ang nadakip ng mga awtoridad sa Boracay.Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabi ni Police Lieutenant General Edgar Okubo, pinuno ng special investigation task group na nagsisiyasat sa kaso, na mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nakahuli sa mga suspek.March 29 nang dukutin sina Que at Pabillo. Pagsapit ng April 9, nakita ang kanilang bangkay sa gilid ng daan sa Rodriguez, Rizal.Ayon sa mga awtoridad, pinatay ang dalawa kahit nagbigay ng nasa P200 million na ransom ang pamilya ni Que.“The two bodies were placed in a nylon bag, tied with nylon rope, and their faces were wrapped with duct tape,” ayon kay Police Regional Office (PRO) 4A public information office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran.Sa resulta ng autopsy, lumitaw na pinatay sa sakal sina Que at Pabillo.Nauna nang nadakip ang tatlong suspek na sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista, at David Tan Liao.Nasa kustodiya ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) ang tatlo. Habang sumasailalim naman sa debriefing ng AKG ang dalawang bagong naaresto.Una rito, itinuro ng suspek na si David Tan Liao, ang anak mismo ni Que na si Ronxian Gou o Alvin Que, ang siya umanong nag-utos na dukutin at patayin ang mga biktima.Hindi naman kaagad pinaniwalaan ng pulisya ang alegasyon ni Liao, pero isinama si Alvin sa mga isasalang sa preliminary investigation ng piskalya ng Department of Justice.Hinihinala ng PNP na si David Tan Liao, Kelly Tan Lim, at isa pang suspek ang utak sa pagdukot at pagpatay sa mga biktimaMay P10 milyon na pabuya sa isa pang utak umano sa krimen na si Wenli Gong, na may mga alyas na Kelly Tan Lim, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling, na isa ring Chinese.Si Gong umano ang naghikayat kay Que na magpunta sa lugar kung saan binihag ang mga biktima.Dalawang casino junket operators, na 9 Dynasty Group at White Horse Group, ang tinukoy ng pulisya na tumanggap at naglipat ng ransom money na ibinigay ng pamilya ni Que. —FRJ, GMA Integrated News