Nilinaw ng tagapagsalita ng Korte Suprema (SC) ang desisyon tungkol sa pag-alis ng temporary restraining order laban sa No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Atty. Camille Ting, tagapagsalita ng SC, na tanging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) lang ang pinayagang magpatupad ng NCAP at hindi ang mga lokal na pamahalaan na base sa kanilang ordinansa ng sarili nilang NCAP.

Ang desisyon ng En Banc ng SC ay batay lang umano sa inihaing urgent motion ng MMDA na alisin ang TRO laban sa NCAP na inihain noong nakaraang linggo.

Ayon kay Ting, "effective immediately" ang pasya ng SC.

“If you remember, the TRO the court issued last August 2022, the TRO covers the MMDA resolution and the local city ordinances. So the TRO here is only lifted with respect to the MMDA but it still remains with respect to the LGU ordinances,” paliwanag ni Ting.

“It can only be implemented by the MMDA in major thoroughfares. Kasi ‘yung MMDA resolution only refers to major  thoroughfares, especially C5 and EDSA,” dagdag niya.

Una ito, inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na inalis na ng SC ang TRO sa NCAP pero wala pa silang kopya ng desisyon ng mga mahistrado.

Nitong nakaraang linggo, naghain ang MMDA ng urgent motion sa SC na alisin na ang TRO laban sa NCAP.

Agosto 2022 nang magpalabas ng TRO ang SC laban sa NCAP na ipinatutupad ng ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila para manghuli ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.

Inilabas ng SC ang TRO laban sa NCAP bunga naman ng petisyon na inihain noon ng ilang transport groups na Kapit, Pasang Masda, Altodap, at Alliance of Concerned Transport Organizations na kumukuwestiyon sa legalidad ng kautusan ng mga lokal na pamahalaan ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, at Parañaque sa Metro Manila. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News