Inihayag ni Senador Risa Hontiveros na bukas siya sa posibilidad na maging standard bearer ng oposisyon sa 2028 presidential elections.

Sinabi ito ni Hontiveros sa Kapihan sa Senado forum nitong Miyerkoles, nang tanungin sa kaniyang plano sa susunod na eleksyon matapos ang midterm elections nitong nakaraang Mayo 12.

“I'm not saying no. I'm open to all possibilities. At 'yon yung hinihingi ko din sa lahat na mga kasama sa oposisyon or independent bloc na maging bukas kami sa lahat ng possibilities at sa isa't isa, alang-alang sa oposisyon at alang-alang sa ating mga kababayan,” ayon kay Hontiveros.

Gayunman, sinabi ng senador na nakatuon ang atensyon niya ngayon na pag-isahin ang kaniyang mga kaalyado na sumuporta sa Akbayan, at kina senators-elect Francis Pangilinan at Bam Aquino.

“‘Yung natural competition about it naturally will come somewhere up the road pa. Pero ang priority ko sa ngayon, at sinasabi ko 'yun sa lahat ng mga kasama at kaalyado, lalo na itong unang siyam na buwan after the election, pag-isahin talaga. Hamigin. I-consolidate to a greater degree than we were able to do after 2022. Mag-consolidate kami,” paliwanag ni Hontiveros.

Sa pagdagdag nina Pangilinan at Aquino sa susunod a Kongeso, sinabi ni Hontiveros na sila ang magsisilbing “center of gravity that will serve as check and balance” at magiging tagasuri sa kapulungan.

Bagaman magkakaalyado, sinabi ni Hontiveros na mayroon pa rin silang magkakaibang paninindihan sa iba't ibang usapin.

“Kami lahat ng mga senador dito, we have our own decision-making process, we have our own pananaw. At nagrerespetuhan kami diyan kahit at lalo na sa loob ng tinatawag kong oposisyon…ang optimal senaryo ko ay magsama-sama kami either sa minority or sa independent bloc, sa loob at sa labas ng Senado” dagdag niya.

Nais din ni Hontiveros na mapanatili sa kaniya ang pamumuno sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality sa susunod na Kongreso. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News