Guilty ang naging pasya ng Land Transportation Office (LTO) sa ginawang imbestigasyon laban sa motovlogger na si "Yanna" kaugnay sa nag-viral na pakikipagtalo niya sa isang pickup truck driver sa Zambales. Bukod sa multa, suspendido pa rin ang kaniyang driver’s license.
Sa isang pahayag na naka-post sa Facebook page ng LTO, sinabing pinagmumulta ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, si Yanna ng P5,000 dahil sa paggamit ng motorsiklo na walang mga side mirror.
Pinagmumulta rin ang vlogger ng P2,000 para naman sa reckless driving.
Mananatiling suspendido rin ang driver’s license niya hangga't hindi niya isinusuko sa LTO ang motorsiklo na ginamit sa insidente.
Inamin umano ni Yanna na hindi sa kaniya ang motorsiklo.
Sa pitong pahinang desisyon, sinabi ng LTO na makikita sa mismong viral video ni Yanna ang delikado nitong pagmaniobra nang unahan niya ang pickup truck, at wala pang side mirror ang kaniyang motorsiklo.
Pinagbasehan umano ng LTO sa paglabas ng desisyon ang viral video, kasama na ang apology letter ng vlogger, at ang affidavit na isinumite ng pickup driver,.
Naging "kaso" ni Yanna Motovlog ang Reckless Driving (Sec. 48 of R.A. 4136), pagmamaneho ng motorsiklo na walang mga side mirror, at wala ring plate number ang motorsiklo (Sec. 18 of R.A. 4136).
Guilty ang naging desisyon ng LTO sa dalawang naunang kaso, habang pinawalang-sala siya sa kawalan ng plaka ng motorsiklo dahil hindi siya ang may-ari.
Kinastigo rin ng LTO si Yanna dahil sa hindi nito pagsipot sa imbestigasyon at hindi pagsuko ng motorsiklo.
“This noncompliance not only violates the instructions mandated by this Office but also demonstrates outright disrespect for established legal procedures and regulatory enforcement," ayon sa pahayag.
"The failure to appear as ordered underscores a lack of regard for due process, accountability, and the authority vested in this Office,” patuloy niya.
“By refusing to present both the registered owner and the motorcycle for inspection, the concerned party has obstructed investigative proceedings, delayed efforts to establish responsibility, and undermined the integrity of enforcement measures,” ayon pa sa desisyon.
Ayon kay Mendoza, sinuspinde rin at pinapakumpiska ang license plate sa motorsiklo na nakapangalan sa vlogger.
Kasabay nito, ipina-"alarma" rin ng LTO ang motorsiklo na ginamit ng vlogger sa nangyaring insidente sa Zambales hangga't hindi ito isinusuko sa LTO.
"All law enforcement officers were also directed to apprehend Yanna Motovlog if in case she is found driving on public roads until such time that the suspension on her driver’s license is lifted," ayon sa pahayag.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag si Yanna kaugnay sa desisyon ng LTO.-- FRJ, GMA Integrated News