Nadiskubre kamakailan na nawala ang mga brass marker na nakakabit sa isang monumento para sa mga gerilyang lumaban sa World War II sa Alabang, Muntinlupa City. Ang mga suspek, naaresto na.
Ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, naaresto ang mga suspek sa pagtutulungan ng pulisya at ng barangay officials.
Matapos nito ay pumunta si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa Philippine National Police (PNP) station sa Alabang Junction kung saan dinala ang mga suspek para sa imbestigasyon.
Napag-alaman sa mga suspek na ibinenta nila ang mga marker na tanso sa isang junk shop.
Dahil dito, mahaharap din sa kasong violation ng Anti-Fencing Law ang may-ari ng junk shop.
"Yun nga lang mukang nabenta na din sa tunawan. Pakakasuhan din ang naturang junk shop," sabi ni Biazon sa kanyang Facebook post.
Mga suspek sa pagnanakaw ng brass marker sa monumento ng mga beteranong guerilla na lumaban noong ikalawang digmaang pandaigdig, sa Brgy. Alabang, Muntinlupa City, naaresto na. | via Mao dela Cruz pic.twitter.com/YjPIyux8ed
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 24, 2025
Bago nito, nag-alok ang lokal na pamahalaan ng P100,000 reward sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon na makakatulong sa pag-aresto sa mga suspek sa pagnanakaw ng mga nasabing brass marker.
Ang monumento ay nakapuwesto sa plaza sa Barangay Alabang. Tuwing Pebrero 4, ginugunita ng lokal na pamahalaan ang mga sakripisyo at kabayanihan ng mga gerilya noong World War II.
"Sa plakeng ninakaw na nakakabit dito nakalista ang pangalan ng mga beteranong gerilya na lumaban para sa kalayaan ng mga Muntinlupeño," ani Biazon. —KG, GMA Integrated News

