Timbog ang isang 34-anyos na lalaking wanted sa pangmomolestiya umano sa isang babae na 17-anyos lamang noong 2020 sa Barangay Manresa, Quezon City. Ang biktima, kakilala umano ng akusado.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing sinilbihan ng pulisya ng arrest warrant sa Barangay Santa Teresita ang lalaki na wanted sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sinabi ng pulisya na Enero 2020 nang maganap umano ang pang-aabuso ng akusado sa biktima sa isang bahay sa Barangay Manresa.

“Lumalabas sa aming imbestigasyon na 'yung suspek, pinasok niya 'yung biktima sa loob ng bahay nila at doon po siya namolestiya. 'Yung biktima naman hindi makasigaw dahil tini-threaten siya nitong suspek. Nagsumbong siya sa magulang niya, particularly sa nanay niya at doon na naisampa 'yung kaso,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, commander ng La Loma Police Station.

Disyembre 2025 nang isyuhan ng arrest warrant ang akusado matapos hindi dumalo sa mga pagdinig.

“Noong malabasan po siya ng warrant, hindi na siya makita doon sa Manresa. At 'yung mga operatiba natin hinanap siya. Buti na lang may nag-tip na concerned citizen at doon na po siya nahuli,” sabi ni Aguirre.

Kasalukuyang nakabilanggo ang akusado sa La Loma Police Station.

“Sir, no comment na lang ako diyan sir,” sabi ng akusado.

Nakapag-return of warrant na ang pulisya at hinihintay na lang ang commitment order mula sa korte. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News