Nasawi ang tatlong tao habang pito ang sugatan matapos araruhin ng 18-wheeler ang limang sasakyan sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City pasado alas onse y media kagabi.
Sa dashcam video, makikita ang pagsulpot ng isang truck na mabilis ang takbo sa palusong na bahagi ng kalsada.
Bigla na lang tumagilid ang container van nito at tumilapon.
Kabilang sa inararo ng truck ang isang kotse, isang AUV, at tatlong motorsiklo.
Natumba rin ang poste ng ilaw sa center island at bumagsak ang bubong ng waiting shed.
Dead on the spot ang 38-anyos na lalaki na naghihintay ng masasakyan sa waiting shed.
Ang isa pang nasawi ay hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Isinugod naman sa ospital ang 49-anyos na lalaking nakaangkas sa motorsiklo pero idineklarang dead on arrival.
“Gasping na siya, unconscious so meron siyang sugat sa likod ng ulo eh namamaga na rin meron siyang gasgas abrasions sa kaliwang siko,” ani Andrew Joseph Delos Santos, responder ng Brgy. Batasan Hills Fire and Rescue.
Kwento ng pamangkin ng biktima, nagkausap pa raw sila kahapon ng kanyang tiyuhin at nagsabi pa ito na pupunta sa San Mateo, Rizal.
“Masakit para sa akin mawalan ng tito kasi parehas lang kami bumubuhay sa lolo ko, pamangkin namin pero sana panagutan na lang ng driver at company ng driver yung nangyari sa tito ko,” ani James Maralit, ang pamangkin ng nasawing biktima.
Pito ang naitalang nasugatan sa aksidente kabilang na ang 37-anyos na motorcycle taxi rider na nagtamo ng mga sugat sa tuhod, kamay at mukha.
May mga sugatan din sa mga sakay ng kotse na yuping-yupi ang likurang bahagi.
“Napansin ko ‘yung trailer truck na gumugulong na pababa iniwas ko pa pero hindi na ako nakaiwas kasi medyo maraming bato tumama sa akin yun po nagcause ng pagkasemplang ko,” ayon sa motorcycle taxi rider.
Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 5 ang 38-anyos na truck driver.
Ayon sa kanya, nagkaproblema ang preno ng truck.
Galing silang Maynila at magde-deliver sa Marikina.
“Palusong 'ho kami sir sa stop light palusong eh bigla humina preno eh hanggang sa wala na hindi ko na makontrol dire-diretso na kaya no choice ako yung manibela kung saan saan na ho lumiko. Pasensya na ho hindi ko po talaga kagustuhan mangyari yung ganon dahil aksidente ho talaga,” depensa ng truck driver.
“Initial investigation po natin itong truck po na ito nawalan daw siya ng kontrol. Tumama siya sa isang kotse, tumama sa poste yung karga na container ay nahulog then napunta po siya sa kabilang side ng kalsada,” ani Police Lt. Col. Geoffrey Lim, ang hepe ng QCPD District Traffic Enforcement Unit (DTEU).
Mahaharap ang truck driver sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and damage to properties. —VAL, GMA Integrated News
