Timbog ang isang 53-anyos na lalaki dahil sa panggagahasa sa isang menor de edad sa Pulupandan, Negros Occidental, matapos ang kaniyang mahigit isang taong pagtatago sa Novaliches, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, sinabing isinilbi ang arrest warrant laban sa lalaki nang matunton ng pulisya sa kaniyang mga kamag-anak, ayon kay Police Captain Ralph Lauren Portea, Deputy Commander ng Novaliches Police Station.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang krimen noong Mayo 2023 kung saan edad 13 lang noon ang biktima.

“‘Yung biktima po at akusado ay magkakilala at magkalugar. Ito pong biktima natin ay minolestiya, sexual abuse po ng ating akusado. Tapos ito pong ating biktima ay nagsumbong sa kaniyang magulang. So, pumunta po sila sa Pulupandan Police Station upang magreklamo. At ito po nga po ay nasampahan ng kaso,” sabi ni Portea.

Una sa most wanted persons list ng Novaliches Police Station at Pulupandan Municipal Police Station ang lalaki, na tumangging magbigay ng pahayag.

Batay sa record ng mga awtoridad, hindi ito ang unang beses na mabibilanggo ang lalaki, na mayroon na ring kasong illegal gambling at warrant para sa kasong child exploitation and abuse na may kaugnayan sa Republic Act 7610.

Inihahanda na mga ang dokumento para maibiyahe ang nadakip na lalaki papuntang Negros Occidental. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News