Idineklara ng California State Athletic Commission  (CSAC)  na "no contest" ang kontrobersiyal na laban nina Emanuel Navarrete ng Mexico at Charly Suarez ng Pilipinas. Sa nasabing laban, nanalo via technical decision ang Mexicano.
Kasama sa naturang desisyon ng CSAC na itakda ang muling paghaharap ng dalawa para sa WBO super featherweight world title na hawak ni Navarrete.

Idineklarang panalo si Navarrete sa naturang laban nitong nakaraang Mayo via technical decision sa California nang matamo ng sugat sa kilay ang Mexican boxer at unang idineklarang sanhi ng headbutt.

Pero sa pagrebisa sa replay ng laban, nakita na mula sa suntok ni Suarez ang tinamong sugat ni Navarrete, na dapat sanang idineklarang technical knockout victory para sa Pinoy.

Dahil dito, nagdesisyon ang CSAC na balewalain ang panalo ni Navarrete at iniutos ang rematch ng dalawa.

Sa naging desisyon ng CSAC, napanatili ni 36-anyos na si Suarez ang malinis niyang fight record na 18-0, na may 10 knockout. — mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated News