Isang 17-anyos na babaeng TikTok star sa Pakistan ang binaril at pinatay sa kaniyang bahay sa Islamabad. Ang suspek, isang lalaki na ilang ulit umanong nais makipag-ugnayan sa kaniya online.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing ipinagdiwang ng biktimang si Sana Yousaf, ang kaniyang ika-17 kaarawan noon lang nakaraang linggo.
May mahigit isang milyong followers sa kaniyang social media accounts si Yousaf, kabilang ang 800,000 na followers sa TikTok.
Pinaslang ang biktima nitong Lunes ng gabi.
Inaresto naman ng mga pulis ang suspek na 22-anyos na lalaki na nakita umanong pagala-gala sa labas ng bahay ng biktima.
"It was a case of repeated rejections. The boy was trying to reach out to her time and again," sabi ni Islamabad police chief Syed Ali Nasir Rizvi sa news conference.
"It was a gruesome and cold-blooded murder," dagdag ni Rizvi .
Kabilang umano sa mga ipino-post ni Yousaf ang lip-sync videos, skincare tips, at promotional content para sa beauty products.
Ilang oras bago siya patayin, nag-post siya ng video habang naghihiwa ng cake para sa kaniyang kaarawan.
Sa kabila ng brutal niyang sinapit, may ilang netizen na nagkomento na binibigyan ng katwiran ang ginawang pagpatay sa biktima dahil sa kaniyang career sa social media.
Tinuligsa naman ito ng Women's rights activist na si Nighat Dad ang naturang mga komento sa nangyari sa biktima na nagpapalakas umano sa loob ng mga nang-aabuso laban sa mga babaeng "who dare to be visible."
"The vile comments under news of Sana's murder aren't just hateful noise, they're part of a mindset that normalizes violence against women in Pakistan," saad niya sa post online.
Ayon sa Human Rights Commission sa Pakistan, karaniwan na ang karahasan sa kababaihan sa nasabing bansa. Kabilang na rito ang pag-atake sa mga babaeng tumatanggi sa alok na kasal.
Noong 2021, isang babae umano ang pinugutan ng kaniyang nobyo matapos niyang tanggihan ang alok na kasal ng lalaki.
Matatandaan na noong nakaraang Mayo, isang Mexican beauty influencer naman ang binarilin at pinatay habang naka-TikTok livestream.— mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News

