Nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang driver ng truck na nang-araro ng ilang sasakyan sa Batasan-San Mateo Road nitong nakaraang Mayo, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Sa isang pahayag ng QCPD nitong Miyerkoles, sinabing isinailalim ang naturang driver sa alcohol breath analyzer (ABA) at drug tests matapos ang aksidente, alinsunod sa itinatakda ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

“The ABA test conducted by the Land Transportation Office (LTO) yielded a negative result,” ayon sa QCPD. 

“However, the drug test conducted by the QCPD Forensic Unit (QCPDFU) returned a positive result for methamphetamine hydrochloride (na kilala bilang shabu),” dagdag nito.

Sinuri din ng QCPD ang 10-wheeler truck ng driver pero wala silang nakitang ilegal na droga o drug paraphernalia. 

Mahaharap ang driver sa reklamong paglabag sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, ayon sa pulisya. 

“This case serves as a clear warning to those who drive under the influence of illegal drugs, you will be held fully accountable under the law,” paalala ni QCPD deputy director for administration Police Colonel Randy Glenn Silvio. 

“At mabigat po ang parusa dito ayon sa batas, reclusion temporal o mahigit 12 years to 20 years maximum na pagkakakulong at may multang P300,000 to P500,000 pag namatay ang biktima," dagdag niya.

Tatlo ang nasawi sa naturang aksidente na naganap noong May 28, matapos araruhin ng tumagilid na truck ang ilang sasakyan sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City. 

Nahaharap din ang driver sa mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at multiple damage to property, ayon sa pulisya. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News