Sapul sa camera ang isang lalaki na nanghablot sa bag ng isang babae sa isang fast food restaurant sa Barangay Longos, Malabon. Ang bag, natangay pa rin kahit na may security guard sa establisimyento.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang pag-order ng babae sa fast food restaurant Miyerkoles ng madaling araw.

May tila nagmamasid na pala sa kaniyang isang lalaking nakaputi sa labas, na saglit na tumigil sa may pintuan.

Ilang sandali pa, pumasok na ang lalaki, lumapit sa babaeng nag-o-order at biglang hinablot ang bag nito na naglalaman ng mga ID card at halos P10,000.

Tinangka pa ng babae na hataking pabalik ang bag.

“Noong nag-aagawan sila, nu'ng naglabas na ng patalim 'yung suspek, siguro sa takot, nadulas na po itong victim sa pag-aagawan po nila. Nakuha niya 'yung bag na tangay niya po,” sabi ni Police Major Rengie Deimos, Assistant Chief of Police Operations (ACOPO) ng Malabon Police.

Saglit na nag-ikot noon ang security guard ng fast food restaurant.

“Napagbuksan pa kaunti ng guwardiya natin, hindi niya alam na nag-aagawan pala ‘yun kaya nabuksan niya. Kung tinitingnan niya, ibe-verify niya kung ano nangyayari. ‘Yun  pala, natangay na,” sabi ni Deimos.

Tumakas sakay ng jeep ang suspek papuntang Caloocan.

Humingi ng tulong sa pulisya ang guwardiya.

Nadakip ang 33-anyos na suspek sa Barangay 8 Caloocan matapos magkasa ng hot pursuit operations.

Narekober din mula sa kaniya ang tinangay na bag, at ang patalim na ginamit niya sa krimen.

Tumangging magbigay ng pahayag ang lalaki, na sinabi sa pulisya na kakapusan sa pera ang nagtulak sa suspek para magnakaw.

Nahaharap siya sa reklamong robbery with violence against or intimidation of persons at illegal possession of bladed weapons.

Nakabilanggo na siya ngayon sa Malabon City Police Station. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News