Lima ang nasawi, kabilang ang isang ginang at dalawa niyang anak, matapos masunog ang ilang bahay sa Barangay Buting sa Pasig City nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya bago mag-11:00 pm na tumupok sa limang kabahayan.
Bago maghatinggabi, agad na nakontrol ang sunog pero lima ang nasawi.
Kinabibilangan ito ng isang ginang na 43-anyos, anak niyang babae na 11-anyos, at isa pang anak na sanggol na isang-taong-gulang.
Nasawi rin ang kapitbahay nila na isang ama na 45-anyos, at anak nito na 15-anyos na lalaki.
Ayon sa awtoridad, tumutuloy ang mag-iina sa ikatlong palapag ng bahay pero nakita ang kanilang mga labi sa una at ikalawang palapag dahil gumuho ang bahay dahil sa sunog.
Sa ikaapat na palapag naman nakita ang bangkay ng mag-ama na nasa loob ng banyo.
Sa tala ng barangay, 11 pamilya ang naapektuhan ng sunog na nanatili sa evacuation center.
Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) sanhi ng apoy at halaga ng pinsala. —FRJ, GMA Integrated News
