Para kay Senador JV Ejercito, dapat matuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na gagawin ng Senado bilang impeachment court.
Bukod sa tungkulin umano ng Senado sa ilalim ng Saligang Batas ang pagganap sa impeachment proceeding, pagkakataon din umano ang gagawing paglilitis para malinis ng pangalawang pangulo ang kaniyang pangalan mula sa mga alegasyon na ibinabato laban sa kaniya.
"Whether I am for it or not for it is irrelevant. The Senate is duty-bound to convene the impeachment court, according to our Constitution. Kumbaga ano namin 'yan, responsibilidad namin 'yan," paliwanag niya.
"Itutuloy naman 'tong impeachment eh, whether we like it or not. As I've mentioned, we are duty-bound. Sana matapos agad, so whatever the decision is, whatever the verdict is, I hope we can go back to our normalcy as soon as possible," dagdag niya.
Nitong Martes, inihayag din ni Sen. Alan Peter Cayetano na tungkulin ng Senado na dinggin ang impeachment case ni Duterte sa kabila ng hakbang ng ilang senador na huwag nang magsagawa ng paglilitis dahil sa mga isyung legal.
“Kapag Constitutional mandate, gagawin mo lang. Having said that, ‘di ba kasi, ‘yung implementing it and applying it to the 24 [senators], may botohan ‘yan. But just because may botohan, doesn’t make it right,” sabi ni Cayetano.
Para kay Ejercito, ang mga senador na uupo sa papasok na 20th Congress sa July ang dapat magpasya tungkol sa impeachment trial.
Si Sen. Imee Marcos, nais na ibasura ang impeachment case at huwag nang magsagawa ng paglilitis dahil sa matatapos na ang 19th Congress.
"Dapat i-dismiss na ito kaagad dahil unang-una, hindi na talaga kaya matapos bago 'yung 19th Congress, may sariling rules ang Senado. Pero ang totoo, I have very serious concerns about the validity of the impeachment complaint arriving here in the Senate," pahayag ni Marcos.
Ayon kay Marcos, inipit ng Kamara de Representante ang reklamo laban kay Duterte na inihain noong December 2024 pero February 2025 lang inaksyunan.
"Kung winithhold nila, aba'y sila pala ang nagpatagal nitong lahat. Despite the lapse of two months, no action was taken to transmit to the Senate or refer any of the first three verified complaints," giit niya.
"Para sa akin, kinakailangan alamin kung tama rin ang ginawa ng Kongreso. Sinasabi nila dinelay ng Senado. Ang akin, teka muna, sino ba talaga ang nag-delay niyan at ngayon violative na of the one-year ban on filing impeachment?" sabi ni Marcos.
Bukod sa mga senador na kaalyado ng mga Duterte, sinabi ni Marcos na may mga senador din na kaalyado ng administrasyon ang tutol na dingging ang impeachment case ni Duterte.
"Mismo ang admin, sa palagay ko, interesado na mawalang bisa na 'yan kasi kinakabahan din na matalo," ani Marcos, na sinabing, "'Di ba mas mahirap, mas nakakahiya kapag nagkaroon ng paglilitis at matalo? Kaya siguro may iba, iniiwasan na rin."
Nitong Miyerkoles, inamin ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na siya ang promotor ng draft Senate resolution na nais na ibasura ang impeachment trial.
Ayon naman sa 1986 Constitutional Commission member Christian Monsod, paglabag sa Saligang Batas ang pagbasura ng impeachment case sa plenaryo ng Senado.
"Under the Constitution, it is the duty of the Senate to hear the case. So that's not hearing the case when you entertain a motion to dismiss," sabi ni Monsod.
Naniniwala rin si Monsod na maaaring ipagpatuloy ng 20th Congress ang pagdinig sa impeachment case na nagsimula sa 19th Congress.
"Wala namang issue 'yun, continuing body naman 'yung Senate. What technicality are they talking about?" saad niya.
"If they want technicality, you know, on the noon of June 30 when the outgoing senators leave, at that exact moment, the incoming 12 assume office. So actually if you look at technicalities, there is no time at which there are no 24 senators," dagdag pa niya. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News
