Bago ang inaabangang pagbabalik sa ring ni Manny Pacquiao sa July, mauunang sasagupa muli para maging kampeon ang four-division world champion na si Nonito Donaire sa June 14 sa Buenos Aires, Argentina.
Sa inilabas na pahayag ng World Boxing Association (WBA), nakasaad na makakagupa ng 42-anyos na Filipino Flash na si Donaire ang 28-anyos na si Andrés Campos, ng Chile.
Nakataya sa laban ang Interim WBA Bantamweight title na gaganapin sa Casino Buenos Aires.
Huling lumaban si Donaire noong July 2023 kotra kay Alexandro Santiago, na siyang nagwagi via unanimous decision upang makuha ang bakante noon na WBC world bantamweight belt.
Sa pagbabalik ng Filipino Flash sa ring, taglay niya ang 42-8 fight record, kasama ang 28 knockouts. Habang markado ng 17-2-1 record si Campos, kasama ang 6 KO.
Pagkatapos ng laban ni Donaire, aabangan naman ng mga Pinoy boxing fans sa July 19, ang pagbabalik din ni Pacquiao, 46-anyos, sa ring para tangkain na muling maging world champion.
Lalabanan ni Pacquiao ang mas bata at mas matangkad na si Mario Barrios, para agawin ang hawak nitong WBC world welterweight belt.
Gaganapin naman ang naturang sagupaan sa MGM Grand sa Las Vegas, USA. -- FRJ, GMA Integrated News

