Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na batid ng kanilang social workers ang "occasional" na paggamit ng ilegal na droga ng babaeng lumabas mula sa kanal sa Makati. Dahil dito, sasailalim umano ang babae sa drug rehabilitation.
“Our social workers for Pag-abot program knew of Rose’s occasional use of illegal substance and as part of the conditions, she will undergo rehabilitation,“ ayon sa inilabas ng pahayag ni Pag-abot Program Officer-in-Charge Deputy Program Manager Marilyn Moral nitong Lunes.
Matatandaan na hinanap ng DSWD ang babae sa utos na rin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian upang tulungan sa ilalim ng Pag-abot program.
BASAHIN: Babaeng lumabas mula sa imburnal, nangakong iingatan ang natanggap na tulong mula sa DSWD
Binigyan ang babae ng P80,000 na halaga ng livelihood package para makapagsimula ng tindahan na hiniling umano mismo ng babae.
Ayon kay Moral, walang itinatangi o pinipili ang Pag-abot program sa kung sino ang dapat tulungan. Nakasalalay umano ang tagumpay ng programa sa tiwala at kooperasyon ng taong tinutulungan at nakatalagang case manager.
“Our social workers in partnership with other duty bearers handling the case management will see to it that there will be positive change in the lives of Rose and her partner so that they become productive members of the community ready for reintegration after the necessary interventions,” paliwanag ni Moral.
Binigyan-diin din ng opisyal na ang paggamit ng ilegal na droga ay isang medical issue na may kasamang psychosocial causes and effects na maaaring tugunan sa isang malawakang social case management.
Sa nasabi ring pahayag, iginiit ni Gatchalian na ang pagtulong at pagsagip sa tao para magkaroon ng mas maayos na buhay ay bahagi ng tungkulin ng DSWD, na nakapaloob sa kanilang mga programa, kabilang ang Pag-abot Program.
“We, in the DSWD, are confident that with all the appropriate interventions, a better Rose will emerge --- a Rose whose dignity and self-worth are restored; ready and able to become a productive member of society,” ayon sa kalihim.
"DSWD’s social workers do not just give material assistance. They enable clients to have better self-concept despite their negative experiences and restore hope," dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News