Nahuli-cam sa loob ng isang grocery store sa Quezon City kung papaano umatake ang mga miyembro ng "Ipit-gang" upang nakawan ng gamit ang kanilang bibiktimahin.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage sa loob ng grocery story habang namimili ang biktimang babae na may pushcart.
Dalawang babae naman na may mga pushcart din ang humarang sa dadaanan ng biktima. At sa likod ng biktima, may mga suspek din na may bitbit naman na grocery basket.
Habang pinupuntirya na ng isang suspek ang bag ng biktima, isang babae pa ang dumating sa harapan ng babae para agawin ang kaniyang pansin.
Nagpulasan ang mga suspek nang dumating ang mga tauhan sa grocery store pero tangay na nila ang gamit ng bktima.
Ayon Police Lieutenant Colonel Romil Avenido, Station Commander QCPD Station 6, modus ng Ipit gang na paligiran at lituhin ang kanilang biktima.
Aatake umano ang mga ito kapag may nakita silang puwedeng biktima na may dalang bag na pinaniniwalaan nilang may laman na malaking halaga ng pera o mamahaling bagay na puwede nilang nakawin.
Nakatakas ang mga salarin sa grocery store pero nahuli ang tatlo sa kanila na pawang babae sa Commonwealth Avenue dahil may panibagong bibiktimahin na nag-aabang naman ng masasakyan.
Ayon sa pulisya, isang concern citizen ang nagsumbong sa pulisya sa ginawa ng mga suspek at kaagad na rumesponde ang mga pulis kaya nahuli ang tatlo.
Aminado ang mga suspek sa krimen na ginawa raw nila dahil sa hirap ng buhay.-- FRJ, GMA Integrated News