Timbog ang anim katao, kabilang ang isang 16-anyos na binatilyo, dahil sa pagnanakaw umano ng mga kable ng internet na nagkakahalaga ng halos P200,000 sa Rizal Avenue, Caloocan.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing tumambad sa pulisya ang dose-dosenang kable ng internet na pinagputol-putol sa ilang tila normal lang na delivery vehicles sa unang tingin.
Miyerkoles ng madaling araw nang may magsumbong sa rumorondang pulis tungkol sa pagnanakaw ng kable sa lugar.
“Meron daw kumukuha roon ng kable doon sa imburnal na pinutol-putol nila. Kinausap namin. Narekober namin ‘yung dalawang bolt cutter na malaki at lubid, kasi hinihila nila ‘yun palabas,” ayon kay Police Lieutenant Alexander Angeles, Deputy Commander, West Grace Park Police.
Itinurn-over na sa mga awtoridad ang menor de edad na lalaki sa Bahay Pag-asa, habang piitan ang bagsak ng limang iba pa, kasama ang dalawang driver ng delivery vehicle.
Isa sa mga driver ang tumanggi na kasama siya sa krimen.
“Hindi po totoo ‘yan. Bale binook (book) po kami. Pagdating po sa area na gano'n ay gano'n po pala ‘yung mangyayari. Nadamay po kami,” sabi ng isa sa mga driver.
Ang tatlo pang ibang suspek, napadaan lang umano sa lugar at inalok ng pera kapalit ng pagputol at pagtangay sa mga kable.
Nakatakas naman ang utak umano ng pagnanakaw.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung may kinalaman din ang grupo sa nakawan din ng kable noong Abril.
“Talagang pinlanuhan nila ‘yan. ‘Yan ang isa sa mga sindikato dito sa Caloocan. Hobby na ginagawa na nila talaga ‘yan, hindi lang isang beses siguro. Kasi expert eh, kung paano nila putulin, maayos, gano'ng kahaba na kaya nilang dalhin,” sabi ni Angeles.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong theft at paglabag sa Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News