Nasawi ang isang lalaking hinihinalang nagbebenta ng ilegal na baril matapos makipagbarilan umano sa pulisya na huhuli sa kaniya sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City. Ang suspek, nasangkot na rin daw sa mga kaso ng robbery-hold-up.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing humantong sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation ng Pasig Police Huwebes ng gabi, matapos makakutob umano ang suspek na mga awtoridad ang kaniyang katransaksiyon.
Bibilhin sana sa suspek ng mga undercover na pulis ng isang .45 na baril. Pero natunugan umano nito na pulis ang kaniyang katransaksiyon at unang namaril.
Gumanti naman ng putok ang mga pulisya at napatay ang suspek. Ngunit hindi kaagad naiproseso ng mga awtoridad ang crime scene dahil sa naiwan umanong granada na mula sa suspek.
Kinailangan munang dumating ang Explosive and Ordnance Division ng Pasig Police para matiyak na ligtas na makukuha ang granada.
Lumabas sa imbestigasyon na marami nang record sa pulisya ang suspek.
“Sangkot na rin siya sa mga robbery-hold-up dito sa city of Pasig at saka sa mga neighboring cities like Taytay and Cainta and Taguig. At may kaso na rin siya ito na mga shooting incident and ‘yung anti-carnapping,” sabi ni Police Colonel Hendrix Mangaldan.
Isa pang tinitingnan ng pulisya ang posibleng pagkakasangkot ng suspek sa isang robbery hold-up nitong Huwebes sa Pasig.
Isang biktima ang nagreklamo sa presinto, at isinama sa ospital kung saan dinala ang napatay ng suspek.
Positibong tinukoy ng biktima na ito ang lalaki na nangholdap umano sa kaniya at kumuha ng kaniyang cellphone.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
