Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Biyernes na inalisan ng lisensiya ang tatlong driver ng bus ng GV Florida Transport, Inc. na nakuhanan ng video na mistulang nagkakarera sa isang national highway sa Cagayan.

Sa press conference, sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na ipinatupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapawalang-bisa sa driver’s license ng tatlo.

Ayon pa kay Dizon, hindi pa inihaharap ng GV Florida Transport sa kanila ang tatlo pang driver na kasamang nakuhanan sa video na nag-viral sa social media.

“May problema kami kasi ayaw i-give up ng Florida yung tatlo pang driver,” ani Dizon. “So we are demanding them to give up those drivers. Kung hindi, mas bibigatan natin ang penalties sa buong kompanya nila kung hindi nila gagawin.”

Una rito, sinuspinde ni Dizon ang 15 bus ng GV Florida Transport sa loob ng 30 araw dahil sa insidente.

Ayon sa DOTr, may ruta ang mga sinuspindeng bus na Sta. Ana - Sampaloc sa Cagayan at Baguio City - Apayao.

Nauna na ring naglabas ng pahayag ang kompanya ng bus at humingi ng paumanhin sa insidente. Sinabi rin nito na “the content does not align with our company’s values and standards.”

Hindi naman tinanggap ni Dizon ang naturang paghingi ng paumanhin ng kompanya at inatasan ang kinauukulang ahensiya na magsagawa ng imbestigasyon.

“I personally told Chairman Guadiz to seek the maximum penalties against [GV] Florida Bus. Hindi porket walang nasaktan, walang nadisgrasya ay ganun ganun na lang. I saw the statement and apology of the [GV Florida Transport] and I’m telling them now, apology not accepted… Ginawa lang sports car yung mga bus nila,” sabi ni Dizon sa naunang press briefing na kasama ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.—  mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News