Posibleng umabot sa mahigit P1 per liter ang itataas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
“Based on the four-day trading in MOPS (Mean of Platts Singapore), we will be experiencing an increase in the prices of petroleum products by next week, June 17, 2025,” ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero.
Nasa P0.90 hanggang P1.40 per liter ang posible umanong madagdag sa presyo ng gasolina. Habang P1.00 hanggang P1.40 per liter sa diesel, at P1.00 hanggang P1.20 per liter sa kerosene.
Ayon sa opisyal, ilang “relevant news” ang nakakaapekto sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kabilang dito ang pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa positibong senyales mula sa usapang pangkalakalan ng US at China.
Kasama rin ang pagkakaantala sa nuclear negotiations ng US at Iran, at ang inaasahan ng OPEC Secretary General na patuloy ang pagtaas ng demand sa langis sa susunod pang 2 1/2 dekada.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang magiging galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo tuwing Lunes, at ipinatutupad kinabukasan ng Martes.
Nitong nakaraang Martes, tumaas ng P0.60 per liter ang presyo ng gasolina. Habang P0.95 per liter ang nadagdag sa presyo ng diesel, at P0.30 per liter sa kerosene.— mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News

