Tatlo katao ang sugatan nang magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Visayas Avenue sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, makikita sa video ang isang motorsiklo na pakaliwa bandang 1 a.m. at kumukuha ng tiyempo.
Pagkadaan ng isang tricycle, dumiretso na ang motorsiklo na siya namang dating ng isa pang motorsiklo na naging dahilan ng banggaan.
Tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo sa lakas ng salpukan.
Dumating naman ang mga rescuer kasama ang isang ambulansiya ng Barangay Vasra, at dinala ang mga sugatan sa ospital.
Sinabi ng mga taga-barangay na accident-prone na lugar.
“Ang nadatnan po namin doon, ‘yung nakakulay puti na rider, walang malay na po, nakahandusay na po, duguan po ang ulo niya at saka noo. Tapos 'yung isa naman po, okay naman po siya kasi nakaupo po siya pero sugatan din po 'yung noo niya. At saka 'yung isa naman po, ‘yun po 'yung kaya pa niyang tumayo,” sabi ni Flordeliza de Ocampo, rescuer ng Barangay Vasra, Quezon City.
“Doon sa pinangyarihan, puwede naman kumaliwa. Puwede rin mag-u-turn lahat ng sasakyan. Ano kasi ito eh, national road eh. Lalo na 'yung mga motor, medyo mabibilis sila. Ingat lang, ingat lang. Lalo na, may madadaanan silang tawiran,” sabi ni Kagawad Ding Antenor ng Barangay Vasra.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng QCPD Traffic Sector 6 sa nangyaring aksidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
