Naalarma si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa nahuli-cam na pananakit ng ilang pasahero sa isa ring pasahero na may kapansanan umano na nangyari sa loob ng isang bus sa EDSA Bus Carousel.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing 25-anyos umano ang lalaking biktima na person with disability (PWD), habang nakasakay sa Precious Grace Transport bus noong June 9.
“This was a crime. Binugbog, kinuyog, yung isang kababayan natin na may kapansanan sa loob ng isang bus. Krimen ‘yan,” ayon kay Dizon sa isang press briefing.
Aminado si Dizon na itinuturing niyang "very personal" para sa kaniya ang insidente dahil may kapatid siyang may autism.
“This is very personal to me, why? I have a younger brother, my youngest brother has autism. it’s not easy to understand, hindi madaling intindihin itong kondisyon na ‘to,” paliwanag niya.
“Reactions are triggered by loud noises, by light, by other triggers, pero dapat naiintindihan ito ng mga kababayan natin,” dagdag niya.
Inihayag din ni Dizon na maaaring may nakapag-trigger sa PWD para sa ikinilos nito.
“We have to be educated, we have to understand na hindi 'yan basta basta nang-aaway na lang ng basta basta na lang, pero kailangan ipaintindi sa mga kababayan natin,” paliwanag niya.
Sa nag-viral na video sa social media, makikita ang lalaking PWD na tila lumapit sa isang pasahero na kumukha ng video. Nagpatulong umano ang pasahero sa iba pang pasahero dahil tila hindi mapakali ang pasaherong PWD.
Ilang saglit lang, makikita na may sumusuntok na sa pasaherong PWD at may sumisipa rin. May nadinig din tila tunog ng kuryente mula sa taser gun.
Sa naturang sitwasyon, sinabi ni Dizon na dapat na ang driver at konduktor ang responsable at nakialam sa kaguluhan.
Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng driver ng 90 araw.
Pinagpapaliwanag din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamunuan ng Precious Grace sa nangyari, at sinuspinde ang operasyon ng 10 unit nito ng bus sa loob ng isang buwan.
PALIWANAG NG ABOGADO
Ipinaliwanag naman ng abogado ng bus company na umaksyon naman ang driver at konduktor nila sa insidente.
Sa isinumiteng testimonya ng driver sa LTO, inihayag na may pasahero na nagsumbong na may isang pasahero na nangangagat ng mga tao sa loob ng bus. Nang makarating sila sa Main Avenue station, kaagad nila itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Pero hindi umano nailabas ng mga tauhan ng Coast Guard mula sa bus ang naturang pasahero na PWD. Nang makarating sila sa Buendia Station, muli umanong nangagat ang PWD at inireport muli nila sa awtoridad.
Wala rin umanong nakikinig sa driver nang inaawat nito ang mga pasahero sa pananakit sa lalaking PWD.
“To my mind, yung driver at saka konduktor, ginawa nila ang responsibilidad nila,” sabi ni Alex Verzosa, abogado ng Precious Grace Transport. -- FRJ, GMA Integrated News
